DIGMAAN SA GITNANG SILANGAN
Simula noong Enero, binulaga ang buong mundo
sa kaganapan sa Gitnang Silangan. Pumutok ang mga popular na pag-aalsang
nagpatalsik sa mga diktador ng Tunisia at Egypt, tila apoy na kumalat ang
mga pagkilos na ito sa mga karatig bansa sa Gitnang Silangan at Hilagang
Aprika. Hanggang sa ngayon, patuloy ang mga protesta sa mga bansang
Yemen, Saudi Arabia, Bahrain, Syria at iba pa. Ang mga bansang Tunisia at Egypt
pa lamang ang matagumpay na napalitan ang namumuno, sa pamamagitan ng
relatibong mapayapang pagkilos ng libo-libong mamamayan sa mga bansang ito. Ang
rehiyon ng Gitnang Silangan ay pinaghaharian ng mga oligarkiya ng mga pamilyang
Muslim at awtokrasiya. Nariyan ang mga hari o paghaharing dinastiya sa United
Arab Emirates (federation of sheikdoms), Qatar, Bahrain, Muscat, Oman, Yemen,
Jordan, Kuwait, Saudi Arabia at Syria. Kahit umano magkaroon ng mga eleksiyon,
may tendensiyang manumbalik ang mga kaharian ng mga pamilya at
paghaharing medibyal kung saan ang pagtrato sa mga mamamayan ay mistulang
sunud-sunurang nasasakupan.
Dahil sa mga kaguluhang ito, may ilang bansa
na nagdeklara ng state of emergency tulad na lamang sa Bahrain dahil na din
sa protesta ng mga mamayan laban sa paghahari ng kanilang pinuno. Isa lamang
ang Bahrain sa mga bansang niyayanig ng krisis pampulitika sa rehiyon.
Isa sa mga apektado ng kaguluhang ito ay ang
mga kababayan natin na nagtatrabaho sa Gitnang Silangan. Malaking bahagi ng
kabuuang OFWs ay nasa Gitnang Silangan bilang mga manggagawa sa pabrika,
planta, opisina at domestic helpers. Madaling mabuo ang diwa ng pakikiisa ng
OFWs sa nakibakang masa doon dahil ang mga ipinaglalaban nila ay siya ring
dahilan kung bakit nangibang bayan at iniwan ng mga OFWs ang mga pamilya nila
dito sa Pilipinas: kahirapan, mababang sweldo, mapanupil at kurakot ang
gobyerno.
Sa gitna ng kaguluhang ito, nasa alanganing
sitwasyon ang maraming Pilipino na hanggang ngayon ay nahihirapan makauwi dahil
sa kabiguan ng Department of Foreign Affairs at ng embahada ng Pilipinas sa
Syria na pangalagaan ang kanilang kapakanan.
Ang kababaihang OFW na nakauwi na sa bansa
ay naglahad ng kanilang sinapit sa gitna ng kaguluhan sa Syria. Laman ng
kanilang mga kuwento ang hirap sa pagtakas mula sa mga amo, kakulangan ng
pagkain, at kawalan ng komunikasyon sa mga mahal sa buhay kahit nasa loob na ng
embahada ng Pilipinas.
Mga OFW na humihingi ng tulong sa embahada ng Pilipinas
Laganap ang kaguluhan sa Middle East ngayon,
Sa Libya sa Bahrain, at sa iba pang bansa na mayroong pag aaklas. Ang hiling ng
lahat ay walang madamay na kababayan nating Pilipino sa gulo ng mga Bansa
nasasakupan ng Middle East. Karamihan sa mga kababayan nating naiipit sa
magulong Digmaan na nangyayari ngayon sa Middle East ay pawang mga bago lamang
sa abroad. Karamihan sa kanila ay gumastos ng malaking pera para lamang makaalis
ng bansa. Nakakalulungkot talagang isipin na bawat pilipinong nadadamay sa
ganitong pangyayari ay maraming pamilya sa pilipinas ang nag-aalala. Sana naman
maging tahimik na ang mga bansang nagkakaroon ng problema ng sa ganon ay
patuloy na makapag-trabaho ang mga kababayan nating naiipit sa kani-kanilang
lugar. Kaya naman ipanalangin po natin silang lahat na sana maging maayos sila
sa kanilang lugar at walang masamang mangyari. Ito lamang ang ating magagawa
upang makatulong sa kanila sa panahon ng kagipitan.